Eala umangat sa WTA rankings
MANILA, Philippines — Patuloy ang pag-angat ni tennis ace Alex Eala sa Women’s Tennis Association (WTA) rankings.
Muling nagtala ng career-high si Eala matapos lumundag mula sa ika-184 puwesto mula sa kanyang dating ika-187 posisyon base sa bagong inilabas ng WTA.
Nalampasan ni Eala ang kanyang dating career-high na ika-185 puwesto noong Enero 1.
Malaking tulong upang madagdagan ang puntos ni Eala nang magkampeon ito sa women’s doubles event ng International Tennis Federation Necc-Deccan Women’s Tennis Tournament na ginanap sa Pune, India noong nakaraang linggo.
Nakatuwang ni Eala sa kampanya si Latvian Darja Semenistaja kung saan tinalo ng dalawa sina top seeds Naiktha Bains ng United Kingdom at Fanny Stollar ng Hungary sa finals sa iskor na 7-6 (8), 6-3.
Nakaabot din ang 19th Asian Games bronze medalist sa quarterfinals ng women’s singles event.
Sunod na lalahukan ni Eala ang International Tennis Federation singles tournament sa Indore, India.
- Latest