MANILA, Philippines — Magniningning ang gabi tampok ang mga natatanging atleta at personalidad sa 2023 San Miguel Corporation-Philippine Sportswriters Association (SMC-PSA) Annual Awards Night na idaraos ngayon sa Diamond Hotel grand ballroom sa Manila.
Nangunguna sa lista-han si Asian record holder at world No. 2 pole vaulter Ernest John ‘EJ’ Obiena na siyang gagawaran ng Athlete of the Year award.
Mahigit 140 awardees ang pararangalan — ang pinakamalaking edisyon ng PSA Awards Night sa kasaysayan nito.
Dadaluhan ang event nina Philippine Sports Commission (PSC) Chairman Richard Bachmann at Philippine Olympic Committee (POC) President Abraham Tolentino.
Tututok din ang spotlight sa Gilas Pilipinas na nakasungkit ng gintong medalya sa Asian Games sa Hangzhou, China kung saan ibibigay dito ang President’s Award.
Ang Philippine women’s national football team naman ay pararangalan ng ‘Golden Lady Booters’ Special Award habang sina businessmen SMC President and CEO Ramon S. Ang at First Pacific Company Chairman and CEO Manny V. Pangilinan ang Executives of the Year.
Nagtulong sina RSA at MVP sa matagumpay na hosting ng FIBA World Cup at sa ratsada ng Gilas Pilipinas sa Asian Games.
Ilalatag naman ang Lifetime Achievement Award kina basketball legends Allan Caidic at Avelino ‘Samboy’ Lim kasama sina champion coaches Dante Silverio, Joe Lipa at Arturo Valenzona.
Mangunguna naman sina Asiad gold medal winners Margarita ‘Meggie’ Ochoa at Annie Ramirez sa mga Major Awardees habang ang Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) at Jiu-Jitsu Federation of the Philippines (JJFP) ang co-winners sa National Sports Associations (NSAs) of the Year.
May Special Awards sina sina PBA seven-time MVP June Mar Fajardo (Mr. Basketball), Creamline standout Diana Mae ‘Tots’ Carlos (Ms. Volleyball), Filipinas star forward Sarina Bolden (Ms. Football), at Alex Eala (Ms. Tennis).
Ang mga gold medalists sa Hangzhou Asiad at Cambodia Southeast Asian Games kasama ang mga Asiad at ASEAN Para Games athletes ang mga bibigyan ng Citation awards.
Magsisimula ang registration sa alas-6 ng gabi.