PSAA, nakatuon sa grassroots development

MANILA, Philippines – Didribol sa Marso 3 ang Philippine School Athletics Association (PSAA) — ang pinakabagong school-based league na nakatuon sa mga high school students — sa Ynares Coliseum sa Pasig City.
Ang liga ang magbibigay ng pagkakataon at oportunidad sa mga batang players, ayon kay PSAA founder at Commissioner Fernando “Butz” Arimado.
Nakalinya ang 18-under, 16-under, 14-under at 12-under (lalaki at babae) divisions na lahukan ng mga eskwelahan na nagnanais na mapalakas ang kani-kanilang programa at maihanda ang mga student-athletes sa mas mataas na level ng torneo sa hinaharap.
“Hindi po mabubuo itong ating liga kung hindi sa pakikipagtulungan ng ating mga school officials, coaches, managers at mga sponsors na patuloy na nagtitiwala sa ating kakayahan na mag-organisa ng mga liga para sa Kabataang Pinoy,” ani Arimado sa team managers at coaches meeting noong Sabado sa The Olive Place sa Mandaluyong City.
Bukod sa basketball, nakalinya ring isagawa ng PSAA ang volleyball, chess at athletics event.
Sinabi ni Arimado, founder din ng National Youth Basketball League (NYBL) at kinatawan ng bansa sa International Youth Basketball League (IYBL), na makakaasa ang mga kalahok na eskwelahan sa maayos at patas na liga particular sa aspeto ng technical at officiating na pangangasiwaan ng beteranong coach na si Edgar Perry Brojan bilang Deputy Operation and Technical head kasama ang assistant na si coach Joel Baldago.
Matapos ang opening ceremony ay gagawin ang liga sa home-and-away format upang mabigyan din ng pagkakataon ang mga eskwelahan na ma-expose ang mga players sa harap ng kanilang mga kamag-aral.
“This is a good opportunity for our student to develop further not just their skills but their character,” sabi ni Theresa Dita Gracia Avendario-Pitalbo, ang Athletic Director at Principal ng Holy Deliverance Integrated Christian School-Angono.
Bukod sa HDICS, kabilang din sa kumpirmadong lalahok sa liga na itinataguyod ng Spalding (official ball), DataLand Inc., Titans, GotoBox, iSEED, Café Uno, RGG Stainless Steel, Seashore Petroleum, PRM Sportswear, Ringless Sports, Solar Sports bilang broadcast partner at Tabloids Organization in Philippine Sports, Inc. (TOPS) bilang media partner, ang Xavier School, De La Salle Zobel, San Beda, Marist School, New Era University at St. Augustine International. “Actually more than 50 schools at nagpadala ng intention na lalaro, pero kailangan naming makuha yung lahat ng mga dokumentong kailangan. If ever, umabot tayo ng 12 teams is already a good number, hatiin natin sa dalawang grupo para matapos din natin within three months,” sambit ni Arimado.
Kinilala rin ni Arimado ang suporta ng Spalding, sa pamumuno ni Joven Babaan, ang vice president ng Proline Sports Center Inc., gayundin ng DataLand na kinatawan nina Ms. Helen Zablan, In-House Sales Manager at Maricris Marcelo, Account Sales Manager.
- Latest