MANILA, Philippines — Matikas ang inilalaro ni Kevin Quiambao sa 33rd Dubai International Basketball Championship na ginaganap sa Al Nasr Club sa Dubai, United Arab Emirates.
Kaya naman nakuha nito ang atensiyon ng ilang basketball officials sa UAE.
Interesado ang pamunuan ng UAE basketball association na kunin si Quiambao at gawing naturalized player.
Mismong si Quiambao ang nagkumpirma nito sa isang balitang lumabas sa online.
Ilang opisyales na aniya ang kumausap sa kanya upang maglaro at maging bahagi ng UAE men’s national basketball team.
Masaya si Quiambao sa mga oportunidad na dumarating sa kanya.
Subalit wala pa itong naisagot sa mga UAE officials dahil hindi biro ang pagpapalit ng nationality para makapaglaro sa ibang bansa.
Ibang usapan ang national team kumpara sa mga club teams na naglalaro sa mga commercial leagues.
Hindi pa matiyak ni Quiambao kung tatanggapin ito o hihindian.
Pinag-aaralan pa ni Quiambao ang mga posibilidad lalo pa’t naging bahagi na ito ng Gilas Pilipinas sa ilang inetrnational tournaments.
Kung magpapalit si Quiambao ng nationality, kailangan nitong makakuha ng clearance mula sa Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) bago ito mairelease sa bagong bansang lalaruan nito.
Iginiit ni Quiambao na mahal nito ang Pilipinas subalit bukas din ito sa anumang posibleng mangyari.