Sasagupain ang Magnolia
MANILA, Philippines — Tuluyan nang inangkin ng Phoenix ang ikaapat at huling semifinals berth matapos patalsikin ang Meralco, 88-84, sa kanilang ‘sudden death’ sa quarterfinals ng Season 48 PBA Commissioner’s Cup kahapon sa MOA Arena sa Pasay City.
Nalampasan ng Fuel Masters ang matinding pagbangon ng Bolts sa fourth period mula sa 18-point deficit para tapusin ang kanilang giyera papasok sa best-of-five semifinals series nila ng Magnolia Hotshots.
Sinibak ng Magnolia ang TNT Tropang Giga, 109-94, sa quarterfinals.
“We’re not supposed to be here (semis). Nobody at the start of the conference predicted that we’ll be in the top four, we’re just happy to make it to the semifinals,” ani Phoenix coach Jamike Jarin.
Kumolekta si import Johnathan Williams ng 21 points at 16 rebounds at may 19, 13 at 10 markers sina Jason Perkins, RJ Jazul at rookie Ken Tuffin, ayon sa pagkakasunod.
Nagposte ang Fuel Masters ng 18-point lead, 77-59, sa huling 36 segundo ng third period bago ito napababa ng Bolts sa 81-85 mula sa layup ni Cliff Hodge sa natitirang 35 segundo ng final canto.
Tatlong free throws ang ipasok nina Williams at Perkins sa huling 6.5 segundo para selyuhan ang kanilang panalo.
Magtutuos sa isa pang semis series ang sister teams na Barangay Ginebra at San Miguel.