Meralco may liwanag pa!
Tinakasan ang Phoenix sa 3OT
MANILA, Philippines — Kinailangan ng No. 5 Meralco ng tatlong overtime para ungusan ang No. 4 Phoenix, 116-107, at makapuwersa ng ‘do-or-die’ sa quarterfinals ng Season 48 PBA Commissioner’s Cup kahapon sa Philsports Arena sa Pasig City.
Ito ang pang-14 triple overtime game sa PBA history.
Isang 10-3 atake ang pinamunuan nina Chris Newsome, Bong Quinto at Allein Maliksi sa ikatlong extra period para muling makipagtuos ang Bolts sa Fuel Masters, may bitbit na ‘twice-to-beat’ advantage sa quarterfinals, sa Linggo para sa semifinals berth.
“We’ve been in this situation before. I think we have to keep that momentum going,” sabi ni coach Luigi Trillo.
Tumapos si import Shonn Miller na may 18 points at 20 rebounds para sa Bolts habang may 20 markers at 10 boards si Cliff Hodge bago nagkaroon ng right ankle injury.
May 19 points si Quinto at nagdagdag sina Maliksi, Aaron Black at Newsome ng 19, tig-18 at 16 markers, ayon sa pagkakasunod.
Pinamunuan ni import Johnathan Williams ang Fuel Masters sa kanyang 24 points, 24 rebounds at 6 assists at may tig-20 markers sina Tyler Tio at Jason Perkins.
Bumangon ang Meralco mula sa 15-point deficit, 62-77, sa Phoenix sa fourth quarter para makahirit ng unang extension galing sa triple ni Newsome, 84-84.
Muling nagtabla ang dalawang koponan sa 95-95 matapos ang basket ni Black sa huling 23 segundo patungo sa ikalawang extra period.
Ang layup ni Quinto ang nagbigkis sa Bolts sa 103-103 sa huling 12 segundo papasok sa ikatlong overtime kung saan nila tinambakan ang Fuel Masters sa 113-103 sa huling 1:45 minuto.
- Latest