Fajardo Mr. Baskeball; Bolden Ms. Football ng PSA

June Mar Fajardo.
STAR/ File

MANILA, Philippines —  Pararangalan sina bas­ketball superstar June Mar Fajardo at national wo­men’s football team member Sarina Bolden sa San Miguel Corporation-Philippine Sportswriters Association (SMC-PSA) Awards Night sa Enero 29 sa Diamond Hotel.

Igagawad sa seven-time PBA MVP na si Fajardo ang Mr. Basketball award habang ibibigay kay Bolden ang Ms. Football trophy ng pinakamatandang media organization sa bansa na pinamumunuan ni president Nelson Beltran, ang sports editor ng The Philippine Star.

Ito ang ikaanim sa hu­ling pitong taon na tatanggapin ng 34-anyos na si Fajardo ang parehong award sa traditional awards night.

Ito naman ang ikalawang sunod na tropeo ng 27-anyos na si Bolden sa formal event na inihahandog ng 24/7 sports app ArenaPlus kasama ang mga major sponsors na Philippine Sports Commission, Philippine Olympic Committee, PLDT/Smart, Cignal at MILO.

Suportado rin ang event ng Philippine Basketball Association, 1-Pacman Party­list Rep. Mikee Romero, Premier Volleyball League at Rain or Shine.

Ang 6-foot-10 na si Fajardo ay nasa Cambodia bilang bahagi ng Gilas Pilipinas team na muling nakamit ang basketball gold sa 32nd SEA Games.

Naging susi naman si Bolden sa 1-0 panalo ng Filipinas kontra sa New Zealand sa FIFA Women’s World Cup.

Show comments