MANILA, Philippines — Magniningning ang gabi ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) at ng Jiu Jitsu Federation of the Philippines (JFP) sa San Miguel Corporation-Philippine Sportswriters Association (SMC-PSA) Awards Night na gaganapin sa Enero 29 sa grand ballroom ng Diamond Hotel,
Nagpakitang gilas ang mga Filipino athletes at umukit ng history sa nakaraang 19th Asian Games sa Hangzhou, China.
Si SBP president Al S. Panlilio ang aakyat para tumanggap ng parangal mula sa oldest media organization ng bansa na ginigiyahan ni The Philippine Star sports editor Nelson Beltran kasama si Ferdinand Agustin ng JFP.
Pinangunahan ng SBP ang matagumpay na co-hosting ng bansa sa FIBA World Cup, kung saan ang huli ay may 45 taon na ang nakalipas.
Tinuldukan naman ng Gilas Pilipinas ang 61 years na pagkauhaw sa korona nang sikwatin ang gold medal sa Asiad matapos ang 77-76 come-from-behind victory kontra host at defending champion China sa semifinals at 80-70 panalo laban sa Jordan sa finals.
Nasungkit din ng men’s team ang gintong medalya sa basketball sa Southeast Asian Games nang kalusin nila ang Cambodia, 80-69 sa championship game.
Nakaukit din ng history ang JFP matapos manalo ng dalawang Asiad gold medals mula kina Margarita ‘Meggie’ Ochoa at Annie Ramirez.
Ang traditional Awards Night ay hatid ng 24/7 sports app ArenaPlus, PSC, POC, PLDT/Smart, Milo at Cignal bilang major sponsors, at PBA, PVL, 1-Pacman Partylist Rep. Mikee Romero at Rain or Shine.