MANILA, Philippines — Matapos ang ilang buwan na pahinga, nakabalik na sa aksyon si Kai Sotto sa Japan B.League.
At sa pagpasok ng bagong taon, isang panalo ang sumalubong sa 7-foot-3 Pinoy cager matapos tulungan ang Yokohama B-Corsairs na maitarak ang 100-95 panalo laban sa Toyama Grouses.
Sa naturang laro, nagparamdam agad ang Gilas Pilipinas standout matapos magtala ng siyam na puntos, limang rebounds, dalawang blocks at isang steal.
Naglaro lamang ng 13 minuto ang 21-anyos na si Sotto.
Kaya naman sinamantala niya ito kung saan nagtala ito ng matikas na 4-of-4 perpektong shooting clip.
Magandang panalo ito para sa Yokohama na lumasap ng kabiguan sa Seahorses Mikawa, 89-72, noong Disyembre 31.
Nakatuwang ni Sotto sa panalo si Yuko Kawamura na nagtala ng 25 puntos at B.League record na 20 assists. Gayunpaman, hindi sapat ang panalo ng Yokohama para umangat ito sa standings.
Kasalukuyang nasa ika-19 puwesto ang Yokohama tangan ang 12-15 rekord.