Lakers pinapak ng Grizzlies

Tinangkang harangan ni Gerizzlies guard Ja Morant ang drive ni LeBron James ng Lakers.
STAR/ File

LOS ANGELES - Kumonekta si center Jaren Jackson Jr. ng limang 3-pointers at tumapos na may 31 points para pamunuan ang Memphis Grizzlies sa 127-113 paggiba sa Lakers.

Nag-ambag si Marcus Smart ng 29 points tampok ang season-high na walong triples para sa Memphis (12-23) na inihulog ang Los Angeles (17-19) sa ikaapat na dikit na kabiguan.

Tumipa si Desmond Bane ng 24 points at 13 assists habang may 21 markers si Ja Morant para sa Grizzlies na nagsalpak ng season-high 23 triples.

Binanderahan ni LeBron James ang Lakers sa kanyang 32 points kasunod ang 31 markers ni Anthony Davis sa kanilang ika-10 pagkatalo sa huling 13 games matapos pagharian ang inaugural In-Season tournament.

Isang 24-10 atake na sinimulan ng tres ni Jackson sa 7:28 minuto ng fourth quarter ang naglayo sa Memphis na hindi na nahabol ng Los Angeles.

Sa Philadelphia, umiskor si Jalen Brunson ng 29 points para ihatid ang New York Knicks (20-15) sa 128-92 pagdaig sa 76ers (23-11).

Sa New Orleans, kuma­mada si Paul George ng 24 points habang may 19 markers si Kawhi Leonard sa 111-95 pagdakma ng Los Angeles Clippers (22-12) sa Pelicans (21-15).

Sa Denver, ipinasok ni Paolo Banchero ang dalawang free throws sa huling 9.7 segundo sa 122-120 pagtakas ng Orlando Magic (20-15) sa nagdedepensang Nuggets (25-12).

Show comments