PHOENIX — Kumamada si Paul George ng 33 points habang may 30 markers si Kawhi Leonard para giyahan ang Los Angeles Clippers sa 131-122 pagpapalubog sa Suns.
Ito ang ikaapat na sunod na arangkada ng Los Angeles (21-12) at pang-13 sa huli nilang 15 laro kasabay ng pagpigil sa four-game winning streak ng Phoenix (18-16).
Nag-ambag si James Harden ng 22 points at 11 assists para sa Clippers na nagtala ng 23-point lead sa gitna ng third quarter bago nakalapit ang Suns sa 110-118 agwat sa 5:13 minuto ng fourth period.
Ang triple ni Norman Powell ang muling naglayo sa Los Angeles sa 121-110.
Pinamunuan ni Devin Booker ang Phoenix sa kanyang 35 points at may 21 markers si Bradley Beal na sumalo sa trabaho ni injured Kevin Durant (right hamstring).
Sa Los Angeles, kumonekta si Tyler Herro ng 21 points habang hinugot ni Duncan Robinson ang 11 sa kanyang 13 points sa fourth quarter sa 110-96 pagsunog ng Miami Heat (20-14) sa Lakers (17-18).
Sa Atlanta, humataw si Jalen Johnson ng career-high 28 points sa 141-138 pagtakas ng Hawks (14-19) sa Oklahoma City Thunder (23-10).
Sa Salt Lake City, nagpasabog si Fil-Am Jordan Clarkson ng 36 points at may 31 markers si Lauri Markkanen sa 154-148 overtime win ng Utah Jazz (16-19) sa Detroit Pistons (3-31).
Sa Indianapolis, nagposte si Tyrese Haliburton ng 31 points at 12 assists sa 142-130 paggupo ng Pacers (19-14) sa Milwaukee Bucks (24-10).
Sa Dallas, nagsumite si Luka Doncic ng 41 points at may 29 markers si Kyrie Irving sa 126-97 paggiba ng Mavericks (20-15) sa Portland Trail Blazers (9-24).