LOS ANGELES - Kumolekta si LeBron James ng 17 points at 11 assists dalawang araw bago ang kanyang ika-39 kaarawan para tulungan ang Lakers sa 133-112 pagpapabagsak sa Charlotte Hornets.
Maaaring si James ang pinakamatandang NBA player, ngunit wala siyang ipinapakitang kahinaan sa kanyang pang-21 season.
“He’s seen every coverage and made a lot of great reads throughout his career, so every time we can get the ball in his hands, it’s good for us,” ani Anthony Davis kay James.
Nagtala ang Los Angeles (17-15) ng season-high 41 assists at nakahugot kay Davis ng 26 points.
Bagsak ang Charlotte (7-22) sa kanilang pang-siyam na dikit na kamalaan.
Kumamada ang Lakers ng 41 points sa kabuuan ng third quarter tampok ang tig-12 points nina James at Rui Hachimura.
Lalo pang nabaon ang Hornets sa 28-point deficit sa fourth period kung saan ipinahinga na ni coach Darvin Ham sina James at Davis.
Sa Boston, inihulog ng Celtics (24-6) ang Detroit Pistons (2-29) sa pang-28 sunod nitong kamalasan matapos ang 128-122 overtime win tampok ang season-high 35 points ni Kristaps Porzingis.
Pinantayan ng Pistons ang NBA record na 28-game losing slump ng Philadelphia 76ers noong 2014-15 hanggang 2015-16 season.
Sa Minneapolis, humataw si Anthony Edwards ng season-high 44 points sa 118-110 panalo ng Minnesota Timberwolves (23-7) sa Luka Doncic-less Dallas Mavericks (18-14).
Sa Denver, nagtala si Nikola Jokic ng 26 points, 14 rebounds at 10 assists para sa kanyang ika-11 triple-double sa season sa 142-105 pagdurog ng nagdedepensang Nuggets (23-10) sa Memphis Grizzlies (10-20).
Sa Portland, naglatag si No. 1 overall pick Victor Wembanyama ng 30 points, 6 rebounds, 6 assists at 7 blocks sa 118-105 pagdaig ng San Antonio Spurs (5-25) sa Trail Blazers (8-22).
Sa San Francisco, nagpasabog si Tyler Herro ng 26 points sa 114-102 pagsunog ng Miami Heat (19-12) sa Golden State Warriors (15-16).