Tapales vs Inoue para sa 4 korona
MANILA, Philippines — Matapos ang anim na taon ay magbabalik si Pinoy world super bantamweight champion Marlon Tapales sa Japan.
Kung noong 2017 ay napilitan siyang bakantehin ang suot na World Boxing Organization (WBO) bantamweight belt, ngayon ay dalawang korona ang target ni Tapales na maisuot pag-uwi ng Pilipinas.
Sasagupain ni Tapales (37-3-0, 19 KOs) si Japanese super bantamweight title-holder Naoya Inoue (25-0-0, 22 KOs) sa kanilang unification championship fight ngayong alas-7 ng gabi sa Ariake Arena sa Tokyo, Japan.
Sa kanyang huling pagbisita sa Japan noong Abril ng 2017 ay napuwersa si Tapales na bitawan ang hawak na WBO bantamweight crown dahil sa pagiging overweight.
Sa kabila nito ay tinalo pa rin ng Pinoy fighter si Japanese Shohei Omori via eleventh-round knockout sa Osaka.
Itataya ni Tapales ang mga bitbit na World Boxing Associaton (WBA) at International Boxing Federation (IBF) belts, habang isusugal ni Inoue ang mga hawak na WBO at World Boxing Council (WBC) titles.
Pasado si Tapales sa official weigh-in sa kanyang bigat na 121 1/4 pounds, habang nasukatan si Inoue ng 121 3/4 pounds pasok sa weight limit na 122 pounds.
Bagama’t may nakalagay na ‘no rematch clause’ sa kanilang fight contract ay payag si Tapales na muling labanan si Inoue sakaling siya ang manalo.