MANILA, Philippines — Apat na miyembro ng Behrouz Elite Swimming Team (BEST) Philippines ang nagkuwalipika para maging bahagi ng national swimming team na sasabak sa 11th Asian Age Group Aquatics Championships sa Pebrero 26 hanggang Marso 9 sa New Clark City sa Capas, Tarlac.
Nangunguna sa listahan sina World Junior Championships veterans Micaela Jasmine Mojdeh at Heather White na sariwa sa kampanya sa Batang Pinoy National Finals sa Rizal Memorial Sports Complex sa Maynila.
Nakapasok sa lineup si Mojdeh matapos makalikom ng 680 WA points sa paborito nitong event na 200m butterfly.
Sina Mojdeh at White ay kasama sa listahan ng mga most bemedalled athletes sa Batang Pinoy.
Humakot si White ng pitong gintong medalya kung saan winalis nito ang lahat ng kaniyang events.
Wagi naman si Mojdeh ng anim na ginto at isang pilak sa Batang Pinoy.
Sa kabilang banda, nanguna si White sa listahan bunsod ng kaniyang 715 WA points sa 50m freestyle.
Pasok din sa national junior team sina Zayden Ramos at Hugh Antonio Parto.
May 602 WA points si Ramos sa 50m freestyle.