MANILA, Philippines — Isinara ni swimming sensation Quendy Fernandez ang kanyang kampanya sa pagsisid ng ikaanim na gold medal, habang nagposte ng bagong national record si Leonard Grospe sa athletics sa 2023 Philippine National Games kahapon sa Philsports Complex sa Pasig City.
Iginiya ng 18-anyos na si Fernandez ang Puerto Princesa City, Palawan team sa panalo sa women’s 18-over 4x50-meter freestyle relay kasama sina Maglia Jave Dignadice, Pearl June Daganio at utol na si Cindy sa oras na 1:54.43.
Kumolekta ang UAAP Season 86 Swimming Most Valuable Player at Rookie of the Year awardee ng anim na golds at isang silver para hiranging most bemedalled athlete sa PNG na inorganisa ng Philippine Sports Commission.
“Super happy po, unexpected po ako kasi katatapos lang ng UAAP at sobrang pagod po,” sabi ng University of the Philippines tanker.
Nauna nang nagreyna si Fernandez sa women’s 50m, 100m at 200m backstroke, 50m butterfly at 200m medley relay.
Samantala, nilangoy ni national swimmer Miguel Barreto ng Bulacan ang ikatlong ginto matapos maghari sa boys 18-over 400m freestyle sa oras na 4:03.18.
Nauna nang nanguna si Barreto sa 200m freestyle at 50m breaststroke.
Ang iba pang sumisid ng ginto ay sina Santiago City’s Jalil Sephraim Taguinod ng Santiago City sa boys 18 over-100m breaststroke (1:05.83), Angel Lynn Docabo ng Tagbilaran City sa girls 18-over 100m breast (1:19.95), Ryann Emmanuel Suarez ng Pasig City sa boys’ 18-over 400m butterfly (2:14.44) at Jindsy Azze Mogia Dassion ng Mandaluyong sa girls’ 400m butterfly (2:30.64).
Sa track oval, sinira ng 22-anyos na si Grospe ang 18-year-old national record sa men’s high jump mula sa bagong markang 2.20m para angkinin ang gold medal.
Binura ng Mapua University varsity squad member ang 2.17m ng kanyang coach na si Sean Guevara na inilista noong Abril 5, 2005 sa National Open.
“Masayang-masaya ako kasi matagal na naming goal na ma-break iyong record ni coach Sean,” sabi ng tubong Dilasag, Aurora na nadiskubre ni Guevarra noong 2019 Central Luzon Regional Athletic Association meet.
Inangkin ni national athlete June Sergio Gobotia ang pangalawang ginto mula sa panalo sa men’s 5,000m run sa bilis na 15:09.58 habang nanguna si Joida Gagnao sa parehong event sa itinala niyang 17:20.61.