7 ginto kay Yulo sa Gymnastics; Fernandez bumandera sa swimming
MANILA, Philippines — Winalis ni Karl Jahriel Eldrew Yulo ng Manila City ang pitong gintong medalya sa Batang Pinoy gymnastics event, habang limang ginto ang hinakot ni Quendy Fernandez ng Puero Princesa City, Palawan sa Philippine National Games swimming competitions kahapon.
Inangkin ni Yulo ang mga gold medals sa vault, still rings, floor exercise, high bar, parallel bar, pommel horse at individual all-around events ng Boys’ FIG Juniors 14-17 category sa Men’s Artistic Gymnastics (MAG) ng Batang Pinoy sa GAP Gym sa Intramuros, Manila.
Posible pang makuha ng 15-anyos na utol ni two-time world champion Caloy Yulo ang pang-walo niyang ginto bilang bahagi ng Manila squad sa team event.
Sa PNG swimming, nilangoy ni Ferandez ang limang golds sa women’s 50, 100 at 200-meter backstroke, 50m butterfly at 200m individual medley.
Kumuha ng apat na ginto si Maria Celina Angela Gonzales ng San Juan City sa uneven bars, balance beam, floor exercise at individual all-around ng Women’s Artistic Gymnastics (WAG) High Performance 1 sa Batang Pinoy.
Sa swimming, apat na golds ang sinisid ni Pasig City tanker Arvin Naeem Taguinota II sa paghahari sa boys’ 12-Under 200m medley relay, 200m individual medley, 50m at 100m backstroke.
Sa Tagaytay City BMX Park, hinablot nina Guimaras City riders Gremarc Gyan Dela Gente at Ben Rian Babica ang ginto sa boys’ 14-15 at 16-17, ayon sa pagkakasunod.
Wagi rin sina Leila Anika (BMX girls 13-Under) at Jeanne Soleil Cervantes (14-15) ng Paranaque City at si Emmanuel Redilla (boys’ 13-under) ng Imus.
- Latest