LOS ANGELES - Itinala ni James Harden ang kanyang ika-25,000 career point matapos kumamada ng season-high 28 points, 15 assists at 7 rebounds sa 121-113 paggupo ng Clippers sa Golden State Warriors.
Si Harden ang naging ika-24 player sa NBA history na naglista ng 25,000 points matapos ang kanyang driving layup sa dulo ng third period.
Nagdagdag si Kawhi Leonard ng 27 points at 8 rebounds para sa ikaanim na sunod na arangkada ng Los Angeles (14-10).
Tumipa si Norman Powell ng 10 sa kanyang 21 points sa fourth quarter para saluhin ang naiwang trabaho ni Paul George (left hip injury).
Nagpasabog si Klay Thompson ng season-high 30 while kasama ang walong three-pointers sa panig ng Golden State (10-14).
May 17 markers si Stephen Curry mula sa masamang 5-of-17 field goal shooting.
Sa Sacramento, humataw si De’Aaron Fox ng 41 points para pamunuan ang Kings (14-9) sa 128-123 panalo kay Shai Gilgeous-Alexander at sa Oklahoma City Thunder (15-8).
Sa Denver, hinirang si Nikola Jokic bilang unang NBA player na naglista ng 10 triple-doubles sa pitong sunod na seasons sa 124-101 pagdaig ng nagdedepensang Nuggets (17-9) sa Brooklyn Nets (13-11).
Sa Dallas, nagtala si Naz Reid ng season-high 27 points at nagsumite si Karl-Anthony Towns ng 21 points at season-high 17 rebounds sa 119-101 pagkagat ng Minnesota Timberwolves (18-5) kay Luka Doncic at sa Mavericks (15-9).