Cool Smashers, Titans bakbakan sa game 1
MANILA, Philippines — Dadanak ang matinding aksyon sa bakbakan ng defending champion Creamline at Choco Mucho sa paglarga ng Game 1 ng Premier Volleyball League (PVL) Second All-Filipino Conference best-of-three championship series ngayong araw sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Mag-uunahan ang Cool Smashers at Flying Titans na makuha ang 1-0 bentahe sa serye sa alas-6 ng gabi habang maghaharap naman sa hiwalay na best-of-three battle-for-third series ang Chery Tiggo at Cignal sa alas-4 ng hapon.
Ito ang unang pagkakataon na masisilayan sa finals ang Choco Mucho matapos ang ilang taon na pagsabak sa liga.
Kaya naman hindi maitago ng buong Flying Titans ang saya dahil nagbunga ang lahat ng kanilang pagsisikap.
“Finally, nakapasok na kami sa championship round. Talagang nagbunga yung paghihirap namin, even the coaching staff and the management na lagi kaming gina-guide sa lahat ng ginagawa namin,” ani Choco Mucho coach Dante Alinsunurin.
Nais ng Choco Mucho na ibuhos na ang lahat upang maisakatuparan ang inaasam na pagkopo sa kauna-unahang korona nito sa liga.
Magsisilbing lider ng Flying Titans si playmaker Deanna Wong kasama sina MVP candidate Sisi Rondina, Kat Tolentino, Isa Molde, Maddie Madayag, Aduke Ogunsanya, Bea de Leon at Cherry Nunag.
“Our goal is to win the championship. We worked hard for this and it’s all about team work,” ani Wong.
Sa kabilang banda, wala ring balak magpakampante ang Cool Smashers na wala pang talo sa kumperensiyang ito.
“We aim to elevate our performance even more to achieve our ultimate goal – win the championship,” ani Creamline mentor Sherwin Meneses.
Babanat ng husto para sa Creamline sina wing spikers, Tots Carlos, Jema Galanza, Michele Gumabao at team captain Alyssa Valdez.
Masusubukan din ang tikas ni setter Kyle Negrito na siyang humalili sa puwesto ni ace playmaker Jia Morado na kasalukuyang naglalaro sa Japan.
- Latest