MANILA, Philippines — Walang iba kundi ang gold medal ang target ni national boxer Eumir Felix Marcial sa kanyang pagsabak sa 2024 Olympic Games sa Paris, France.
Sa una niyang Olympic appearance sa 2021 Tokyo edition ay nakuntento ang tubong Zamboanga City sa bronze medal.
“Kumbaga, nakita ko na kaya kong kunin iyong gold. Kaya nandito ako ngayon, lumaban ulit sa Asian Games, nag-qualify sa Paris Olympics para makuha iyong gold,” ani Marcial.
Nagbulsa si Marcial ng Olympic tiket para sa 2024 Paris Games matapos sumuntok ng silver sa men’s 80 kilogram division sa 19th Asian Games sa Hangzhou, China kung saan nakakuha ang nakaharap niyang Chinese fighter ng hometown decision.
Ang Asiad silver medal ni Marcial ay ginawaran ng Philippine Olympic Committee (POC) ng cash incentive na P500,000.
“Iyong goal ko, hindi lang makapag-participate lang sa Paris Olympics, kundi makuha iyong gold,” sabi ng national boxer. “Eumir Marcial, Paris Olympics? No. Eumir Marcial, Olympic Gold in Paris.”
Sa 2021 Tokyo Games binuhat ni Hidilyn Diaz ang kauna-unahang Olympic gold ng Pilipinas.
Nagdagdag sina boxers Nesthy Petecio at Carlo Paalam ng tig-isang silver.
Bukod kay Marcial, ang iba pang mayroon nang tiket para sa 2024 Paris Olympics ay sina World No. 3 pole vaulter Ernest John Obiena at gymnasts Carlos Edriel Yulo at Aleah Finnegan.