UAAP appearance ni Kitty Duterte usap-usapan: 'Si daddy kelan pupuntang court?'

Litrato nina dating presidential daughter Kitty Duterte, DLSU player Evan Nelle at dating Pangulong Rodrigo Duterte
Video grab mula sa One Sports; Mula sa Facebook page ni Bong Go

MANILA, Philippines — Pinagkatuwaan online ang pag-iwas ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa "grave threat" hearings at imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) matapos sumipot sa basketball court ang anak niyang si Kitty nitong Miyerkules.

Kagabi kasi nang magpakita ng suporta kay DLSU point guard Evan Nella ang dating first daughter sa game three ng UAAP men's basketball finals, dahilan para umiral ang makulit na isipan ng netizens.

"Sana pumunta rin si Daddy sa Court. Hehehe," wika ng Facebook user na si John Nikolos nitong Huwebes nang umaga.

Ganyan din naman ang komento ni Gay Ace Domingo sa parehong social networking site: "Buti pa yung daughter pumunta sa court."

Ilang araw pa lang ang nakalilipas nang hindi siputin ni Digong ang pagdinig ng preliminary investigation sa reklamong "grave threats" ni Rep. France Castro (ACT-Teachers) bunsod ng pagbabanta sa buhay.

Bigo rin magsumite ng counter-affidavit si Digong kaugnay ng naturang reklamo ng progresibong mambabatas.

Patuloy ring hindi pinapansin ng dating presidente ang pagpapatuloy ng imbestigasyon sa kanya ng ICC bunsod ng reklamong "crimes against humanity" kaugnay ng kontrobersyal at madugong war on drugs na pumatay sa 6,000 hanggang 30,000 katao.

Ilan sa mga napatay sa gera kontra droga ay pawang mga inosente o 'di kaya'y tinaniman ng ebidensya, gaya na lang ng kaso ng teenagers na sina Carl Arnaiz at Reynaldo "Kulot" de Guzman.

Matatandaang nahatulan din ng reclusion perpetua ang tatlong pulis noong panahon ni Duterte matapos barilin ang 'di armadong si Kian delos Santos kahit sumusuko na.

Nelle bilang 'bravest man'

Dahil sa reputasyon ni Digong, tinatawag ngayong "bravest man" ng netizens ang DLSU basketball player na si Nelle. Usap-usapan kasing girlfriend ng manlalaro si Kitty.

Sa video na ito, makikitang niyakap ni Kitty si Evan matapos makuha ng DLSU ang kampeonato para sa UAAP Season 86 ng men's basketball finals sa Smart Araneta Coliseum.

 

 

Naipanalo ng DLSU ang kanilang laban kahapon sa Unibersidad ng Pilipinas sa puntos na 73-69.

Nangyari ito matapos ang pitong taong championship drought ng green archers.

Oktubre lang nang mag-pose si Digong kasama si Evan at Kitty sa isang restaurant sa Taguig City. Tinawag itong "meet the father" moment ng ilan.

 

Show comments