Creamline paborito vs Chery Tiggo sa semis
MANILA, Philippines — Masisilayan ang matinding bakbakan tampok ang apat na koponang maglalaban para sa dalawang silya sa finals sa paghataw ng Premier Volleyball League (PV) Second All-Filipino Conference best-of-three semifinals sa Philsports Arena sa Pasig City.
Unang masisilayan ang duwelo ng defending champion Creamline at Chery Tiggo sa alas-4 ng hapon na susundan ng salpukan ng Choco Mucho at Cignal sa alas-6 ng gabi.
Nakasentro ang lahat sa Cool Smashers na nakasakay sa 11-0 run.
“Iyong goal is mas mataas pa sa eliminations. But we need to work hard,” sabi ni Creamline coach Sherwin Meneses.
Mangunguna sa Cool Smashers sina team captain Alyssa Valdez, Tots Carlos, Jema Galanza at Michele Gumabao kasama sina middle blockers Jeanette Panaga at Risa Sato.
Mapapalaban ang Cool Smashers sa Crossovers na may matinik ding lineup.
Mangunguna para sa Crossovers si outside hitter Eya Laure kasama si opposite spiker Mylene Paat.
Nariyan pa sina Ces Robles, EJ Laure, Cza Carandang, Pauline Gaston at Shaya Adorador.
Nais ng Cool Smashers na makabawi sa Crossovers na tumalo sa kanila sa finals ng Open Conference noong 2021.
Sa kabilang banda, inaabangan din ang banggaan ng Flying Titans at HD Spikers.
- Latest