MANILA, Philippines — Walang ibang birthday wish si Jema Galanza kundi ang ikapitong korona ng Creamline Cool Smashers sa Premier Volleyball League (PVL).
Nagdiwang ng ika-27 kaarawan si Galanza.
At isa sa hiling nito ang panibagong korona sa PVL kasama ang Cool Smashers.
“Yung championship sana makuha ulit namin,” ani Galanza.
Nais din ni Galanza na walang magtamo ng injury hindi lamang sa Creamline maging sa lahat ng teams na naglalaro sa liga.
“Sana maging healthy lahat ng teams,” ani Galanza.
Hindi naman malabo na matupad ang wish ni Galanza.
Pasok na sa semis ang Cool Smashers anuman ang maging resulta ng mga nalalabing laro ng kanilang team.
Kaya naman nakasentro na ang atensiyon ng Creamline sa mas krusyal na estado ng torneo — ang Final Four.
Alam ni Galanza na mas matinding laban ang haharapin ng Cool Smashers sa semis.
“Mas mabigat ang semis dahil lahat ng four teams gusto makapasok sa finals. Kaya kailangan namin talagang paghandaan ang bawat laro namin,” ani Galanza.