MANILA, Philippines — Nang kumawala ang Phoenix sa second period ay hindi na nakahabol ang Terrafirma.
Sinolo ng Fuel Masters ang second spot matapos pabagsakin ang Dyip, 103-84, para sa ikatlong sunod na ratsada sa Season 48 PBA Commissioner’s Cup kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Humakot si import Johnathan Williams ng 29 points, 13 rebounds at 4 assists para sa 4-1 record ng Phoenix at inihulog ang Terrafirma sa ikalawang dikit na kabiguan para sa 2-3 marka.
“We’re just playing really good and unselfish basketball. and one the reasons is Johnathan (Williams) really playing well,” ani coach Jamike Jarin. “It’s a collective effort offensively and defensively.”
Mula sa 23-19 abante sa first period ay humarurot ang Fuel Masters sa second quarter para itayo ang 43-21 bentahe mula sa triple ni Raffy Verano sa 5:02 minuto nito.
Tuluyan nang nabaon ang Dyip sa 91-61 sa 7:27 minuto ng final canto matapos ang salaksak ni RR Garcia.
Samantala, sinibak ng NLEX si import Thomas Robinson matapos ang komprontasyon nila ni NorthPort team manager Pido Jarencio noong Nobyembre 22.
Ipinalit ng Road Warriors sa dating NBA player si 6-foot-9 Stokley Chaffee na kaagad sasalang laban sa Magnolia Hotshots bukas sa Philsports Arena.