Jokic sinapawan si Wenbanyama
DENVER — Kumolekta si Nikola Jokic ng season-high 39 points bukod sa 11 rebounds at 9 assists para tulungan ang nagdedepensang Nuggets sa 132-120 pagbugbog sa San Antonio Spurs.
Inihulog ng Denver (11-6) ang San Antonio (3-14) sa pang-12 sunod na kamalasan.
Tumapos si No. 1 overall pick Victor Wembanyama na may 22 points, 11 rebounds, 6 steals at 4 blocks sa loob ng 24 minuto para sa Spurs na iniwanan ng Nuggets sa third quarter, 72-60.
Umiskor ang Denver ng 33 points sa kabuuan ng fourth period at nilimitahan ang San Antonio sa 17 markers para iposte ang 23-point lead.
Sa Boston, umiskor si Jayson Tatum ng 34 points at may 21 markers si Jaylen Brown sa 113-103 paggupo ng Celtics (13-4) sa Atlanta Hawks (8-8).
Sa Milwaukee, isinalpak ni Giannis Antetokounmpo ang isang tiebreaking tip-in sa huling 18.5 segundo at tumapos na may 33 points, 16 rebounds at 6 assists sa 108-102 pagresbak ng Bucks (12-5) sa Portland Trail Blazers (4-12).
Sa Memphis, tumipa si Anthony Edwards ng 24 points at may tig-18 markers sina Karl-Anthony Towns at Mike Conley sa 119-97 panalo ng Minnesota Timberwolves (12-4) sa Grizzlies (3-13).
Sa New York, nagtala si Spencer Dinwiddie ng 24 points at nagsalpak ang Brooklyn Nets (8-8) ng NBA season-best 25 three-pointers sa 118-109 paggiba sa Chicago Bulls (5-13).
- Latest