MANILA, Philippines — Unti-unti nang nakikita ni coach Kungfu Reyes ang karakter ng kanyang Chery Tiggo matapos angkinin ang ikatlong tiket sa semifinal round ng Premier Volleyball League (PVL) Second All-Filipino Conference noong Sabado sa Philsports Arena sa Pasig City.
Sinagasaan ng Crossovers ang sibak nang F2 Logistics Cargo Movers, 27-25, 11-25, 17-25, 25-22, 15-10, para sa kanilang pang-pitong sunod na arangkada.
“Ito na iyong character na bini-build namin, iyong never-say-die attitude,” wika ni Reyes. “Hanggang sa dulo, lalaban kami. But it’s also about team effort.”
Ito ang unang semifinals appearance ng Chery Tiggo simula noong 2022 PVL Reinforced Conference.
Humataw si Mylene Paat ng 21 points mula sa 15 attacks, 3 aces at 3 blocks para sa 8-1 record ng Chery Tiggo na makakasama sa semis ang Creamline (8-0) at Choco Mucho (8-1).
Nagdagdag si Eya Laure ng 19 points bukod sa 16 excellent digs at 12 excellent receptions habang may 9 at 8 markers sina EJ Laure at Cess Robles, ayon sa pagkakasunod.
Nakatakdang labanan ng Crossovers ang Cool Smashers bukas ng alas-6 ng gabi para sa kanilang huling laro sa eliminasyon bago sumalang sa semifinals.