Cignal papalo sa PNVF finals
MANILA, Philippines — Limang sets ang kinailangan ng Cignal HD para kalusin ang VNS Asereht, 25-21, 25-22, 21-25, 23-25, 15-10, sa semifinals ng Philippine National Volleyball Federation (PNVF) Challenge Cup men’s division kahapon sa Rizal Memorial Coliseum sa Manila.
Swak sa finals ang HD Spikers at makakaharap nila ang mananalo sa pagitan ng National University at University of Sto. Tomas na kasalukuyang nagpapaluan kagabi habang isinusulat ito.
Sinandalan ng Cignal si Joshua Umandal matapos magtala ng 25 points mula sa 23 attacks, 1 block at 1 service ace para itakas ang mahirap na panalo.
“Nag-doble effort lang kami kasi sila (VNS) sinipagan nila eh, kitang-kita kaya good game maganda iyong laro,” ani Umandal.
Samantala, sumampa sa championship round ang University of the Philippines matapos payukuin ang Philippine Air Force, 25-18, 25-18, 19-25, 25-18, sa women’s division.
Iginawad kay Stephanie Bustrillo ang Player of the Game matapos irehistro ang 18 points mula sa 13 attacks, 3 blocks at 2 service aces para sa Lady Maroons.
Makakatapat ng UP sa finals ang two-time reigning NCAA champion College of St. Benilde Lady Blazers sa event na suportado ng Philippine Sports Commission sa pamumuno ni chairman Richard Bachmann kasama ang PLDT, Rebisco, Akari, Foton and CBPI.
Ipinagpag ng Lady Blazers ang Letran Lady Knights, 25-20, 25-17, 25-16, sa likod ni Rhea Mae Densig sa knockout semifinals ng 16-team women’s division
Hindi nakatikim ng kahit isang set na pagkatalo ang Lady Blazers sa Pool A matapos ilista ang 3-0 marka.
- Latest