Ateneo kakasa sa UP sa semis
MANILA, Philippines — May tsansa pa ang Ateneo na depensahan ang kanilang titulo matapos nilang kalusin ang Adamson University, 70-48 sa knockout game ng UAAP Season 86 men’s basketball tournament na nilaro sa Mall of Asia Arena sa Pasay City, kahapon.
Swak sa semifinals ang Blue Eagles, lumanding sila sa No. 4 para makaharap ang top seed at may hawak na twice-to-beat advantage na University of the Philippines (12-2).
Kinapitan ng Katipunan-based squad si Jared Brown sa opensa matapos magtala ng 20 points at malakas nilang umpisahan ang laro.
“Our coaches have been preaching the game plan and just following what they would say,” wika ni Brown. “We executed what they wanted,”
Ipinaramdam agad ng Ateneo ang kanilang lakas sa unang dalawang quarters nang hawakan ang 15 puntos na bentahe, 40-25 sa halftime.
Ayon kay Ateneo head coach Tab Baldwin, kahit tambakan ay mahirap pa rin ang naging laban nila sa Adamson.
“I guess probably in the scoreboard it didn’t look like a tough game but it was a very tough game. It’s always is with Adamson and I think that’s reflective probably on the low score,” ani Baldwin.
Bumakas si Sean Quitevis ng 11 points habang 10 points din ang kinana ni Mason Amos para sa Blue Eagles.
Samantala, nasikwat ng No. 2 De La Salle University ang isa sa dalawang twice-to-beat incentive, matapos upuan ang ikalawang puwesto sa team standings tangan ang 11-3 card, makakalaban nila ang No. 3 National University sa semis.
- Latest