MANILA, Philippines — Papagitna ang mga elite players sa buong mundo sa paghataw ng Volleyball World Beach Pro Tour (BPT) Challenge sa Nobyembre 30 sa Nuvali sa Santa Rosa, Laguna.
Babanderahan ng men’s world No. 1 Norway at women’s top-ranked Brazil ang 30 koponan na maglalaro sa FIVB-standard sand courts ng Nuvali sa torneong inihahandog ng Ayala Land Inc., City of Santa Rosa at Philippine National Volleyball Federation.
“Nuvali is the future of beach volleyball and it starts with the BPT Challenge,” ani PNVF president Ramon “Tats” Suzara sa press launch kahapon sa Philippine Sports Commission Conference Hall sa Manila.
Nakasama ni Suzara sina Ayala Land vice president May Rodriguez at Estate Development head Mark Manundo, PNVF secretary-general Donaldo Caringal, PSC Commissioner Olivia “Bong” Coo at mga miyembro ng national beach volleyball teams.
Maglalaro para sa national mens’ team ni Brazilian coach Joao Luciano Kiodai sina Ran Abdilla at Jaron Requinton, James Buytrago at Rancel Varga at Alche Gupiteo at Anthony Arbasto.
Sa women’s squad ni mentor Mayi Molit-Pochina ay kakampanya sina Gen Eslapor at Dij Rodriguez at newbie Sofia Pagara at Khylem Progella.
Makakatapat nila ang mga koponan ng USA, Australia, Italy, Canada, the Netherlands, Switzerland, Czech Republic, Germany, Czech Republic at Poland.
Ang Philippine leg ay ang huling torneo ng BPT bago idaos ang finals sa Disyembre 6-9 sa Doha, Qatar matapos ang 16 legs na ginanap sa iba’t ibang panig ng bansa.