Spurs bagsak sa LA Clippers
SAN ANTONIO — Bumanat si Paul George ng 28 points at may 21 markers si Kawhi Leonard para giyahan ang Los Angeles Clippers sa 124-99 pagrapido sa Spurs.
Ito ang ikalawang sunod na panalo ng Los Angeles (5-7) matapos mahulog sa isang five-game losing skid sapul nang makuha si James Harden mula sa Philadelphia via trade.
Tumapos si Harden na may 13 points at 10 assists para sa kanilang 6-0 record laban sa San Antonio (3-11).
Nalimitahan si No. 1 overall pick Victor Wembanyama sa 9 points at 3 rebounds para sa pang-siyam na dikit na kamalasan ng Spurs.
Sa New Orleans, kumonekta si Brandon Ingram ng 31 points sa 129-93 panalo ng Pelicans (8-5) sa Sacramento Kings (7-7).
Sa Detroit, tumipa si Reggie Jackson ng 21 points at nalampasan ng nagdedepensang Denver Nuggets (10-4) ang pagkakasibak kay two-time MVP Nikola Jokic sa first half sa 107-103 pagtakas sa Pistons (2-13).
Sa Chicago, pumoste si Bam Adebayo ng 23 points at 11 rebounds sa 118-100 paggiba ng Miami Heat (9-5) sa Bulls (5-10).
- Latest