MANILA, Philippines — Inilapit ng San Beda University ang sarili sa Final Four spot matapos sapawan ang semifinalist Lyceum University of the Philippines, 74-56, sa NCAA Season 99 men’s basketball tournament kahapon sa FilOil Centre sa San Juan City.
Pinaganda ng Red Lions ang kanilang record sa 11-6 kasosyo ang St. Benilde Blazers sa third spot sa ilalim ng Mapua Cardinals (14-3) at Pirates (13-5).
Bitbit ng Mapua at Lyceum ang ‘twice-to-beat’ advantage pagdating sa semifinals.
“Mas worried kami sa next game namin. Letran iyon eh, so kailangan naming paghandaan,” ani coach Yuri Escueta.
Nagsalpak si big man Yukien Andrada ng career-high 26 points para banderahan ang San Beda kasunod ang 16 markers ni point guard Jacob Cortez at sarhan ng pintuan sa Final Four ang University of the Perpetual Help System DALTA (10-8).
Sa inisyal na laro, humataw si Razon ng 26 points, 7 rebounds at 3 assists at may 16 markers si Christian Pagaran para giyahan ang Perpetual sa 75-60 paggiba sa sibak nang San Sebastian College-Recoletos.