NCAA Player of the Week Yukien Andrada, susi sa pagbangon ng San Beda

Yukien Andrada ng San Beda
NCAA/GMA

MANILA, Philippines – Sa pangunguna ni Yukien Andrada ay naibalik ng San Beda University ang dating bangis at angas upang makahabol sa umiinit na Final Four race ng NCAA Season 99.

Nagtala si Andrada ng 20.0 points sa pambihirang 53.35% shooting clip mula sa 3-point range kasama na ang 3.0 rebounds upang maging susi sa kanilang two-game winning streak.

Bunsod nito, hinirang si Andrada bilang Collegiate Press Corps NCAA Player of the Week para sa petsang Nobyembre 14 hanggang 19 sa pagpasok ng Red Lions sa Final Four picture, dalawang laro pa ang natitira.

Dinaig ni Andrada si Enoch Valdez ng Lyceum at Jielo Razon ng Perpetual para sa lingguhang parangal tampok ang San Miguel Corporation bilang major sponsor at suportado ng mga minor sponsors na Discovery Suites at Jockey.

Umamo ang Red Lions kontra sa Perpetual at Mapua subalit agad gumanti sakay ng dalawang krusyal na panalo kontra sa kapwa Final Four contenders na College of St. Benilde at Jose Rizal U.

Laban sa Blazers, nagpakawala ang six-foot-five forward ng 22-point performance para akayin ang San Beda sa 65-61 na tagumpay bago ito sundan ng 18-point outing sa kanilang 74-69 escape act kontra sa Heavy Bombers.

“We talked about it for the past week ever since we lost to Mapua, sinasabi talaga namin na we still have control sa fate namin papunta sa Final Four. So, yun nga, we’ll just focus on our game, one-by-one, and we will never give up,” ani Andrada.

Paraan din ito ng pagbawi ni Andrada sa koponan matapos uminda ng hamstring injury sa unang bahagi ng torneo.

“Sabi nga sa akin ni coach Yuri, yung ibang players sa ibang teams nagstep-up na eh, nagpe-peak na rin. So sinabihan na rin ako na, especially coming off an injury, na I have to step up na yung laro ko and hindi lang puro si Jacob [Cortez] or yung other teammates ko,” dagdag pa ni Andrada.

“I think it’s the right time for me, and everything is peaking for me right now.”

Show comments