Final Four incentive inangkin ng Lyceum

Lyceum's Mclaude Guadana (left) had 17 points in the game.
NCAA

MANILA, Philippines — Pinormalisa ng Lyceum of the Philippines University ang pagbulsa sa ikalawang ‘twice-to-beat’ incentive sa Final Four matapos gibain ang sibak nang Arellano University, 98-86, sa NCAA Season 99 men’s basketball tournament kahapon sa FilOil Centre sa San Juan City.

Umiskor sina Mclaude Guadaña at John Barba ng tig-17 markers para sa 13-4 record ng Pirates habang may 15 points si Shawn Umali at tumipa si Enoch Valdez ng 11 points, 15 boards, 5 assists at 1 steal.

Tumapos si Jade Talampas na may 20 points, 9 rebounds, 2 assists, 1 steals at 1 block sa panig ng Chiefs na nahulog sa 2-15 marka.

Inilista ng Lyceum ang 51-44 halftime lead na kanilang pinalobo sa 66-50 sa third quarter sa pagbibida ni Guadaña.

Pinangunahan naman ni veteran Lars Sunga ang pagbangon ng Arellano sa 75-85 sa gitna ng fourth period patungo sa 84-91 pagdikit.

Ang three-point shot ni Greg Cunanan ang mu­ling naglayo sa Pirates sa 96-86 sa huling 1:30 minuto ng laro.

Samantala, pinatibay ng College of St. Benilde ang tsansa sa Final Four matapos kunin ang 72-54 panalo sa talsik nang Letran College.

Inilista ng Blazers ang 11-6 kartada habang lag­lag naman ang Knights sa 2-15.

Show comments