MANILA, Philippines — Nagmartsa sa quarterfinals ang Cignal matapos gibain ang Volida Volleyball Club, 25-12, 25-7, 25-8, sa Philippine National Volleyball Federation (PNVF) Challenge Cup men’s division kahapon sa Rizal Memorial Coliseum sa Manila.
Pinaganda ng HD Spikers ang kanilang kartada sa 4-0 sa Pool A.
Tinapos nila ang laro sa VVC sa loob ng 49 minuto at hindi pa nagsusuko ng set sa kanilang apat na laro sa 20-team tournament na suportado ni Philippine Sports Commission chairman Richard Bachmann kasama ang PLDT, Rebisco, Akari, Foton at CBPI.
Nauna nang pinadapa ng Cignal ang Kuya JM-Davao City, 25-19, 25-17, 25-20, Savouge Aesthetics, 25-21, 25-16, 25-22, at ang University of Batangas 25-14, 25-15, 25-16.
Sa women’s play, swak din sa quarterfinals ang Philippine Air Force matapos walisin ang Tacloban City-EV, 25-12, 25-20, 25-15, para sa 3-0 record sa Pool B.
Naglista naman ang Arellano ng 2-1 marka sa Pool C galing sa 21-25, 25-19, 23-25, 25-22, 15-12 panalo sa Rizal Technological University-Basilan.
Sa iba pang laro sa men’s class, tinalo ng Savouge Aesthetics ang Kuya JM-Davao City, 25-17, 25-19, 25-20, para sa 2-1 karta sa Pool A habang may 2-2 baraha ang 3B Marikina City sa Pool C mula sa 25-11, 25-15, 25-15 pagdomina sa Angatleta-Orion Bataan.
May 2-0 record ang Iloilo D’Navigators sa Pool D makaraang iligpit ang Tacloban City-EV, 25-18, 25-17, 25-16.
Ang top two teams lamang sa 16-team women’s at 20-team men’s division ang aabante sa knockout quarterfinals ng Challenge Cup, dating Champions League, na nagsisilbing penultimate tourney ngayong taon ng PNVF ni president Ramon “Tats” Suzara.