MANILA, Philippines — Sa mahigit tatlong dekada niya sa local professional basketball industry, ang tiwala at respeto ang naging puhunan ni agent/manager Danny Espiritu.
Umabot sa mahigit 100 players ang natulungan ni Espiritu na makalaro sa PBA at magkaroon ng magandang buhay kabilang sina Ato Agustin, Art Dela Cruz, Paul Alvarez, Kenneth Duremdes, Mark Caguioa at Scottie Thompson.
“Hindi mo kailangang dominahin ang mga players, papirmahin sa kontrata dahil gusto mo. Kung ano ang gusto ng player, iyon ang ilapit mo sa mga team owners,” sabi ni ‘Boss Danny’ sa Tabloids Organization in Philippine Sports, Inc. (TOPS) ‘Usapang Sports’ kahapon sa PSC Conference Room sa Malate, Manila.
Hindi rin mahalaga kay Espiritu ang kanyang makukuhang porsiyento sa kontrata ng mga tinutulungan niyang players sa PBA.
“Ako since 1987, hindi ako nagpapapirma sa mga players na ako ang agent nila o manager. Tinutulungan ko sila, after that bahala sila kung kilalanin pa rin nila ako. Ayaw kong iyong ugnayan namin dahil sa pera. Ang turing ko sa kanila ay pamilya,” ani Espiritu sa programang itinataguyod ng Philippine Sports Commission, Behrouz Persian Cuisine at Pocari Sweat.
Kinatigan ni Architect Reynaldo Punongbayan, ang pinakabagong player agent/manager, ang mga sinabi ni Espiritu na itinuturing niyang mentor.
“Actually two years pa lang ako sa industriya at talagang si Boss Danny ang tumutulong sa akin,” ani Punongbayan. “Iyong mga advise niya talagang para sa kapakanan ng mga players. Hindi ka magtataka kung bakit iyong mga players ang lumalapit sa kanya.”
Kasalukuyang consultant ng Lyceum of the Philippines si Punongbayan.
“Iyong advice puwede, pero iyong papirmahin ng kontrata hindi magandang tingnan,” aniya.