Green pasikat sa Rockets
HOUSTON - Humataw si Fil-Am guard Jalen Green ng 28 points tampok ang limang three-point shots para tulungan ang Rockets sa 128-94 pagpapatumba sa Los Angeles Lakers.
Ito ang ikaapat na sunod na ratsada ng Houston (4-3) matapos ang 0-3 panimula sa season habang laglag ang Los Angeles (3-5) sa ikatlong dikit na kamalasan.
Nagdagdag si Alperen Sengun ng 19 points, 7 rebounds at 4 assists at may 14 at 12 markers sina Jae’Sean Tate at Jabari Smith Jr., ayon sa pagkakasunod.
Kaagad kinuha ng Rockets ang 8-0 abante patungo sa pagtatala ng 21-point lead sa halftime na kanilang pinalobo sa 90-64 sa 3:30 minuto ng third period.
Nang hindi na maputol ng Lakers ang 71-99 pagkakaiwan sa fourth quarter ay ipinahinga na si LeBron James na tumapos na may season-low 18 points.
Umiskor si Rui Hachimura ng 24 markers mula sa bench kasunod ang 22 points ni D’Angelo Russell.
Sa Milwaukee, kumamada si Damian Lillard ng 34 points at may 18 markers si Bobby Portis sa 120-118 pagtakas ng Bucks (5-2) sa Detroit Pistons (2-7).
Sa Memphis, nagposte si Bam Adebayo ng 30 points at 11 rebounds sa 108-102 pagsunog ng Miami Heat (4-4) sa Grizzlies (1-7).
- Latest