MANILA, Philippines — Maganda rin ang simula ng PGJC Navy matapos pataubin ang Plaridel, Quezon, 25-18, 25-23, 25-20, sa Philippine National Volleyball Federation (PNVF) Challenge Cup kahapon sa Rizal Memorial Coliseum sa Manila.
Inilabas ng Sea Lions ang bagsik nito upang walisin ang Plaridel sa loob lamang ng 72 minuto para hablutin ang 1-0 rekord sa Pool C sa 20-team men’s division.
Sumalo rin sa selebrasyon ang Jose Rizal University na nanaig naman sa Angatleta-Orion, Bataan sa pamamagitan ng 25-11, 25-15, 25-12 desisyon.
Umangat din ang Heavy Bombers sa 1-0 kartada sa Pool C ng torneong suportado ng Philippine Sports Commission, PLDT, Rebisco, Akari, Foton at CBPI.
Wagi rin ang University of the East-Cherrylume sa Arellano University sa iskor na 25-18, 22-25, 25-22, 25-23 para sa pambuenanong panalo sa Pool B.
Nauna nang nagtala ng panalo ang Cignal at reigning UAAP champion National University sa kani-kanyang grupo.
Wagi rin ang UAAP runner-up UST nang isalpak nito ang 25-14, 25-20, 25-17 panalo laban sa Sta. Rosa City sa Pool D.
Magpapatuloy ang aksyon ngayong araw tampok ang bakbakan ng NCAA champion College of St. Benilde at UP Volleyball Club sa alas-10 ng umaga kasunod ang laban ng UP at La Salle-Dasma sa alas-12 ng tanghali.