MANILA, Philippines — Hindi siya tatanghaling scoring champion sa Israeli League kung hindi niya ito mapapatunayan.
Humataw si import Tyler Bey ng 31 points bukod sa 20 rebounds para akayin ang Magnolia sa 110-102 pagsapaw sa TNT Tropang Giga sa pagsisimula ng Season 48 PBA Commissioner’s Cup noong Linggo sa Smart Araneta Coliseum.
Ang 6-foot-7 ring reinforcement ang sumelyo sa panalo ng Hotshots mula sa kanyang follow-up slam sa natitirang 24.2 segundo sa fourth period.
“It’s great winning our first game,” sabi ni Bey. “I handled the adversity, with the coaching staff and my teammates there with me. And I appreciate it.”
May 19 points si Mark Barroca kasunod ang 17 markers ni Paul Lee para sa 1-0 record ng Hotshots.
“This guy was banged up for the whole game but he kept playing hard,” wika ni Victolero sa dating player ng Dallas Mavericks na nakipagsabayan kay Tropang Giga reinforcement Quincy Miller na humakot ng 37 points at 14 rebounds.
Sunod na lalabanan ng Magnolia ang Phoenix sa Nobyembre 12.
“We have to start again,” ani Victolero sa kanilang 11-0 record sa nakaraang PBA On Tour preseason tournament. “That’s in the past, and we’re now looking at the future. We need to be consistent.”