Fajardo naka-7 na!

Ibinida ni June Mar Fajardo ng San Miguel Beer ang kanyang ika-7 PBA MVP trophy.
Jun Mendoza

Hinirang na MVP sa PBA Season 47

MANILA, Philippines — Muli namang gumawa ng kasaysayan si San Miguel super center June Mar Fajardo sa Philippine Basketball Association (PBA).

Hinirang ang tubong Compostela, Cebu bilang Most Valuable Player ng nakaraang Season 47 sa PBA Annual Leo Awards kahapon sa Smart Araneta Coliseum.

Ito ang record na pang-pitong PBA MVP trophy ng 33-anyos na si Fajardo matapos manalo noong 2013, 2014, 2015, 2016, 2017 at 2019 na kanyang inialay sa inang si Marites na pumanaw noong 2021.

“Sana nandito siya ngayon, pero alam ko masaya siya na nakuha ko ito,” ani Fajardo na kumolekta ng 2,248 points para sa PBA MVP award at nagmamay-ari ng siyam na PBA championships para sa Beermen.

Tinalo ng four-time PBA Finals MVP at nine-time PBA Best Player of the Conference awardee para sa tropeo sina Christian Standhardinger (1,559 points) at Scottie Thompson (1,539 points) ng Barangay Ginebra at SMB teammate CJ Perez (1,177 points).

Inamin ni Fajardo na muntik na siyang magretiro sa PBA matapos magkaroon ng complete fracture sa kanyang right tibia sa kanilang team practice noong Pebrero ng 2020.

Samantala, nahirang din si Fajardo sa 1st Mythical Selection kasama sina Perez, Thompson, Standhardinger at Jamie Ma­l­on­zo (Ginebra).

Nasa 2nd Mythical team naman sina Mikey Williams at Calvin Oftana (TNT), Calvin Abueva (Magnolia), Robert Bolick at Arvin Tolentino (NorthPort).

Swak din si Fajardo sa All-Defensive Team na binubuo nina Standhardinger, Chris Newsome at Cliff Hodge (Meralco) at Jio Jalalon (Magnolia).

Si Converge center Justin Arana ang kinilalang Rookie of the Year at si Ma­verick Ahanmisi ng Ginebra ang Most Improved Player habang naglalaro pa para sa Converge sa nakaraang season.

Si Kevin Alas ng NLEX ang tumanggap ng Samboy Lim Sportsmanship Award.

Show comments