MANILA, Philippines — Binigyang-pugay nina PLDT chairman Manny V. Pangilinan (MVP) at San Miguel Corporation (SMC) president Ramon S. Ang (RSA) ang Gilas Pilipinas matapos ang makasaysayang gold-medal campaign sa Asian Games sa China.
Sa isang pambihirang okasyon ay pinuri at pinarangalan ng dalawang big bosses at Philippine sports patrons ang mga miyembro ng national team na winakasan ang 61-taong gold medal drought sa Asiad.
“Nagpasalamat si Mr. Ang and Mr. Pangilinan sa buong team sa sakripisyong ibinigay nila para makamit ang gintong medalya,” ani PBA Commissioner Willie Marcial, na nagsilbing deputy team manager ng Gilas sa Asiad.
Wagi ang Gilas sa Asian Games matapos ang 77-76 comeback win kontra sa host na China sa semifinals at 70-60 panalo kontra sa Jordan sa finals.
Mismong sina Gilas team manager Alfrancis Chua, sports director ng SMC, at Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) president Al Panlilio ang nag-presenta ng gintong medalya kina MVP at RSA.
Dumalo sa pagtitipon sina Scottie Thompson at Japeth Aguilar ng Barangay Ginebra, CJ Perez, June Mar Fajardo, Chris Ross at Marcio Lassiter ng San Miguel, Calvin Oftana ng TNT pati na si Chris Newsome ng Meralco.
Swak din sa parangal sina Kevin Alas ng NLEX at Arvin Tolentino ng NorthPort at sina naturalized players Justin Brownlee at Ange Kouame lang ang wala muna.
Hindi rin nakapunta si head coach Tim Cone dahil sa masamang pakiramdam subalit kumpleto ang coaching staff niya tampok sina Jong Uichico, Richard del Rosario, LA Tenorio at Josh Reyes.