MANILA, Philippines — Mainit na tinanggap si middle blocker Ced Domingo ng bagong team nitong Nakhon Ratchasima volleyball club na nakatakdang umarangkada sa Thailand Volleyball League.
Nasa Thailand na si Domingo kung saan sasalang ito sa pukpukang ensayo kasama ang Nakhon Ratchasima para paghandaan ang bagong season.
Sa post ni Domingo, nagpasalamat ito sa lahat ng sumuporta sa bagong hamon na kanyang tatahakin.
“Forever thankful to everyone who supported me to this milestone I’m about to take. Keep dreaming,” ani Domingo sa kanyang social media post.
Nagkomento naman ang official social media account ng Nakhon Ratchasima.
“Welcome to Thailand,” ayon sa komento ng Nakhon Ratchasima.
Ilang volleyball players din ang nagbigay ng mainit na mensahe para kay Domingo kabilang na sina Fille Cainglet at Carmela Tunay.
Fly high Cedie! So proud of you. Loe you. See you soon,” ani Cainglet.
Isa ang Nakhon Ratchasima sa malalakas na commercial clubs sa Thailand. Limang beses itong nagkampeon sa Thailand Volleyball League.
Kaya naman umaasa si Domingo na makakatulong ito sa kampanya ng Nakhon Ratchasima sa season na ito.
Si Domingo ang ikawalong Pinay volleyball player na naging import sa abroad.