UAAP Players of the Week: Amos ng Ateneo, Pastrana ng UST

Mason Amos (kaliwa) at Kent Pastrana
UAAP Media Bureau

MANILA, Philippine – Nagpakita ng tikas ang Ateneo Blue Eagles at University of Santo Tomas Tigresses sa pagtatapos ng unang round ng UAAP Season 86 basketball tournament matapos walisin ang kani-kanilang huling dalawang laro nitong nakaraang linggo sa pamamayani nina Mason Amos at Kent Pastrana. 

Solidong galaw ang ipinamalas ni Amos ng Blue Eagles kontra sa UST at University of the Philippines (UP) sa men’s division habang binuhat ni Pastrana ang Tigresses sa dalawang laban sa petsa Oktubre 16-22 upang tanghaling UAAP Men’s and Women’s Players of the Week ng Collegiate Press Corps. 

Bumida si Amos sa 99-89 na panalo ng nagdedepensang Ateneo kontra sa karibal nitong UP Fighting Maroons nitong Linggo matapos pumukol ng 19 puntos at 10 rebounds na nagbigay din sa kaniyang koponan ng ikalawang sunod nitong panalo sa torneo para sa 4-3 na baraha. 

Nagpakawala si Amos ng sariling 5-0 run sa overtime upang basagin ang pagkakaiskwala ng iskor sa 85, higit dalawang minuto na lamang ang nalalabi sa tikada. Nadagdag niya ng isa pang krusyal na basket sa huling bahagi ng sagupaan upang tuluyang mantsahan ang malinis na kartada ng UP (6-1). 

Ibinahagi naman ng manlalaro sa kaniyang mga kakampi ang malaking panalo tampok ang depensa bilang alas sa naging tagumpay, lalo na sa OT.

“Honestly, it was a team effort. If we didn’t have all our guys stepping up today, I don’t think we’ll get the job done, so props to the team…We really played defense until the final buzzer and we went to OT. So, it was an up-and-down game, I just wanna give credit to the guys because they deserve it,” ani Amos. 

Nagtala ng 17.0 puntos, 5.5 boards, at 2.0 assists si Amos sa dalawang laro upang talunin si Nic Cabañero ng UST at kasamahang si Chris Koon para sa lingguhang pagkilala na inihahandog ng San Miguel Corporation kasama ang minor sponsors na Discovery Suites at Jockey. 

Samantala, pinangunahan ni Pastrana ang UST sa women’s division upang makabangon mula sa dalawang magkasunod na pagkakalugmok matapos itulak ang koponan sa ikatlong pwesto tangan ang 5-2 na kartada. 

Bumirada ng 17 puntos si Pastrana sa kanilang 90-67 panalo kontra Ateneo bago nagpaulan ng 28 puntos laban sa FEU noong linggo kung saan nagwagi ang UST sa iskor na 82-66.

Nag-rehistro ng pambihirang 22.5 puntos, 5.5 rebounds, 4.5 steals, at 2.5 assists sa dalawang laro si Pastrana upang ungusan sina Karl Pingol ng NU at Jhaz Joson ng Ateneo para sa parangal. 

“Gagawin ko pa rin po yung best ko every game po. Lahat po kami gagawin yung best namin hangga’t makukuha namin yung panalo every game. Magtitiwala pa rin po kami sa isa’t isa. Syempre hindi ko naman po kaya na mag-isa. Pagkakatiwalaan ko rin yung mga kasama ko. Kaya namin gawin lahat kasi andyan yung mga coaches namin,” sambit ni Pastrana. 

Tatangkain ng Ateneo na palawigin ang kanilang winning streak sa tatlong laro kontra sa FEU sa Miyerkules, Oktubre 25, sa Mall of Asia Arena, habang  balak din ng UST  sa parehong araw na lalong palakasin ang tsansa sa Final Four kontra sa UP sa Smart-Araneta Coliseum sa pagsisimula ng second round.

Show comments