MANILA, Philippines — Kapwa umiskor ng krusyal na panalo ang Far Eastern University at Adamson University para masikwat ang twice-to-beat’ bonus sa quarterfinals ng Shakey’s Super League (SSL) Collegiate Pre-Season Championship kahapon sa Rizal Memorial Coliseum sa Manila.
Humataw si Faida Bakanke ng 14 points mula sa 11 hits, 2 aces at 1 block para sa 25-23, 25-17, 27-25 pag-eskapo ng FEU sa University of the East.
Nag-ambag si Chenie Tagaod ng walong puntos at may tig-anim na marka sina Florize Anne Papa, Kiesha Bedonia at Gerzel Petallo para sa Lady Tamaraws na nagmula sa kabiguan sa St. Benilde Lady Blazers.
“It’s a good game against CSB. Talagang breaks of the game lang,” ani coach Manolo Refugia. “Siguro, binibit lang namin ‘yung pagtalo na ‘yun at nadala namin ‘yung mga lessons dito para makabawi sa mga pagkukulang namin.”
Samantala, tinakasan ng Adamson ang St. Benilde, 25-18, 10-25, 17-25, 25-18, 25-8, para sa kanilang Top 2 finish sa Pool F.
Nagtapos na may parehong 5-1 record sa playoffs ang Lady Tamaraws at Lady Falcons, ngunit nakamit ng FEU ang top spot dahil sa kanilang naunang 25-20, 25-22, 25-20 panalo sa Adamson.
Inilaglag ng Lady Tamaraws ang Lady Warriors sa 2-4 baraha sa Pool F at lalabanan ang defending champion at Pool E leader National University Lady Bulldogs (6-0) na may bitbit na ‘twice-to-beat’ advantage sa quarterfinals.
May 4-2 kartada naman ang Lady Blazers sa Pool F at sasagupain ang second-seed University of Santo Tomas Tigresses mula sa Pool E.