MANILA, Philippines — Maglalaro ang Creamline na wala si Ced Domingo sa pagsagupa sa Cignal HD sa 2023 Premier Volleyball League Second All-Filipino Conference.
Kamakailan ay pinayagan ng Cool Smashers management ang 2022 PVL Invitational Conference Finals MVP na maglaro sa ibang bansa.
Kakampanya si Domingo sa Nakhon Ratchasima team sa Thailand league.
Nakatakdang labanan ng Creamline ang Cignal HD ngayong alas-7 ng gabi matapos ang bakbakan ng Petro Gazz at Gerflor sa alas-4 ng hapon sa Batangas City Sports Center.
Humataw ang Cool Smashers ng 25-18, 25-16, 24-26, 25-21 panalo sa Choco Mucho Flying Titas.
Sa nasabing tagumpay ay tumapos si Bernadette Pons na may 22 points tampok ang 11 excellent digs at 7 receptions at may 20 markers si Michele Gumabao.
“Happy kami kasi siyempre first game namin, nanalo kami,” sabi ni head coach Sherwin Meneses.
Nangibabaw naman ang HD Spikers kontra sa PLDT Home Fibr, 25-16, 20-25, 25-21, 25-20.
Samantala, target din ng Petro Gazz ang maitala ang 2-0 record sa pagharap sa Gerflor na bigo sa unang salang sa torneo.
Wialis ng Gazz Angels ang Galeries Hotel Highrisers, 25-11, 26-24, 25-22, para sa coaching debut ni Timmy Sto. Tomas.
Hangad naman ng Defenders na makabangon mula sa masaklap na 18-25, 14-25, 19-25 pagkatalo sa baguhang Nxled Chameleons sa kanilang unang laro sa torneo.