MANILA, Philippines — Walong koponan ang maghahampasan sa inaugural season ng Maharlika Pilipinas Volleyball Association (MPVA) simula sa Linggo sa Ynares Sports Center sa Antipolo City.
Magpapangbuno ang Caloocan, Bacoor, Negros Oriental, Marikina, Bacoor, San Juan, Rizal at Nasipit mula sa Agusan del Norte ng bagong liga ni boxing legend at dating senador na si Manny Pacquiao.
Unang sasalang ang Caloocan at Negros Oriental sa alas-3:30 ng hapon bago ang laban ng host na Rizal at San Juan sa alas-6 ng gabi sa Linggo.
Katulad ng Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) ni Pacquiao ay home-and-away ang magiging format ng MPVA upang mapayaman ang turismo ng kada siyudad at probinsya habang nagdi-diskubre ng mga homegrown players sa buong bansa.
Bukod sa homegrown players ay pwede ring magparada ng collegiate players, dating pros at Filipino-Foreign aces ang kada koponan upang mapalakas ang kanilang mga puwersa.
Subalit itutuon ng MPVA ang atensyon sa pagkilala ng talento ng homegrown Filipino spikers na hindi pa nagkakaroon ng pagkakataon sa ibang volleyball leagues at tournaments.
“Karamihan sa mga players natin dito is homegrown and we want them to display their talents, also to grow as a player. This will be a fun, community-based league, full of home-grown players,” ani MPVA commissioner Mike Tavera sa press conference nitong Miyerkules sa San Juan kasama sina legal counsel Atty. Glen Gacal at Atty. Victorina Calma pati si operations director Allen Reyes.