MANILA, Philippines — Matapos sa Alaska at Converge ay maglalaro naman si Jeron Teng para sa San Miguel.
Pumirma kahapon si Teng ng isang two-year contract sa Beermen para kaagad sumabak sa darating na 2023 PBA Commissioner’s Cup.
Nauna nang binitawan ng FiberXers ang dating La Salle Gree Archers star at naging isang free agent.
Ang 6-foot-2 na si Teng ang No. 5 overall pick ng Alaska noong 2017 rookie draft at naglaro para sa prangkisa hanggang bilhin ng Converge kung saan muli niyang nakasama ang kanyang college coach na si Aldin Ayo.
Si Teng ang second-leading scorer ng Converge sa nakaraang PBA season sa kanyang average na 12.9 points a game sa ilalim ni Maverick Ahanmisi na lumipat sa Barangay Ginebra.
Makakasama ni Teng sa backcourt ng San Miguel ni coach Jorge Gallent sina CJ Perez, Jericho Cruz, Chris Ross at Marcio Lassiter.
Ipaparada ng Beermen si Teng sa PBA Commissioner’s Cup sa Nobyembre 17 laban sa NLEX.
Magbubukas ang torneo sa Nobyembre 5 tampok ang laban ng TNT at Magnolia.