Brownlee posibleng out din sa PBA?
MANILA, Philippines — Nanganganib na hindi muna makapaglaro sa PBA si naturalized player Justin Brownlee na nagpositibo sa doping sa katatapos na 19th Asian Games sa Hangzhou, China.
Nakaabang lang ang Barangay Ginebra at ang Philippine Basketball Association (PBA) sa estado ni Brownlee.
Inaabangan pa ng Philippine Olympic Committee (POC) ang magiging resulta sa test sa Sample B urine ni Brownlee na magiging pinal na desisyon anuman ang kalabasan nito.
Kaya naman wala ring magawa ang kampo ng Gin Kings at ng PBA.
“The way I look at things is always advance, just in case, hindi natin alam kung ano ang decision,” ani Barangay GInebra governor Alfrancis Chua.
Hinihintay pa ng Gin Kings at PBA ang pormal na desisyon mula sa FIBA.
Posibleng mapatawan din ng suspensiyon si Brownlee sa oras na makumpirmang positibo ito sa doping — kasama na rito ang paglalaro nito sa PBA.
Dahil dito, naghahanap na ang Gin Kings ng magiging kapalit ni Brownlee para sa PBA Season 48 Commissioner’s Cup na magsisimula sa Nobyembre 5.
Malaki ang naging papel ni Brownlee para masungkit ng Gilas Pilipinas ang gintong medalya sa Asian Games.
Subalit nagulantang ang lahat nang ilabas ng International Testing Agency ang doping test result ni Brownlee kung saan nagpositibo ito sa Carboxy-THC na ipinagbabawal ng World Anti-Doping Agency (WADA).
Nakaabang din si PBA commissioner Willie Marcial sa isyu ni Brownlee.
- Latest