MANILA, Philippines – Sa ikatlong linggo ng NCAA Season 99, umakyat ang namamayagpag na Mapua University sa tugatog ng team standings matapos daigin ang dalawang bigating koponan sa pangunguna ni Clint Escamis.
Ang star rookie guard ay lumikom ng averages na 20 points, eight rebounds, six assists at six steals sa nakaraang linggo upang buhatin ang Cardinals sa liderato bitbit ang 6-1 kartada.
Para sa kanyang all-around performances, si Escamis ang napiling ikatlong Collegiate Press Corps NCAA Player of the Week ngayong season at pangalawang player mula sa Mapua kasunod ni Paolo Hernandez.
Tinalo ni Escamis sina King Gurtiza ng EAC, Jun Roque ng Perpetual, Jacob Cortez ng San Beda, at Migs Oczon ng Benilde para sa lingguhang parangal na inihahandog ng San Miguel Corporation at tampok bilang minoryang sponsor ang Discovery Suites at Jockey.
Ang 23-year-old na si Escamis ay nag-sumite ng 20 points kalakip ang seven rebounds, five assists, at eight steals upang tulungan ang Mapua na umukit ng 77-71 win laban sa defending champion Letran noong Miyerkules.
Sinundan niya ito ng isa pang kahanga-hangang outing tampok ang 20 puntos, highlighted ng isang clutch top-of-the-key three-pointer, kasama ang siyam na boards, pitong dimes, at apat na swats upang buhatin sa dikit na 87-83 panalo ang Mapua kontra sa dating lider na Lyceum nitong Sabado.
Ayon kay Escamis, ito ang kanyang sukli sa tiwala na binibigay ng Mapua.
"Sobrang saya and thankful talaga ako sa opportunity na binigay ni coach Randy (Alcantara) and ni coach Yong (Garcia) sa akin and thank God na pumasok 'yung shot na 'yun," ani Escamis.
Pero para sa 5-foot-11 na playmaker, hindi dito natatapos ang kanilang trabaho.
"There was a lot of excitement towards this game kasi 'Battle of Intramuros' and battle for number one seed so 'yun talaga, keep on working talaga. But ayun, on to the next,” aniya.