Boxing delikado sa 2028 Olympics

Tuluyan nang inalis ng International Olympic Committee (IOC) executive board ang pagkilala sa International Boxing Association (IBA) sa ginanap na IOC Session sa Mumbai, India.
STAR/ File

MANILA, Philippines — Nanganganib na ma­tanggal ang boxing sa 2028 edisyon ng Summer Olympics na idaraos sa Los Angeles, California sa Amerika.

Tuluyan nang inalis ng International Olympic Committee (IOC) executive board ang pagkilala sa International Boxing Association (IBA) sa ginanap na IOC Session sa Mumbai, India.

“Following the IOC Session’s decision to withdraw the recognition of the International Boxing Association (IBA), the IOC has not re­cognized another governing body for Olympic boxing,” ayon sa statement ng IOC.

Dahil dito, apektado ang boxing kung saan nakabinbin pa kung mapapasama ito sa LA Olympics.

Isa ang boxing sa mga pinagkukunan ng medalya ng Pilipinas sa mga nakalipas na edisyon ng Olympic Games.

Matatandaang dala­wang pilak at isang tanso ang naibulsa ng national boxing team sa Tokyo Olympics na ginanap no­ong 2021 sa Japan.

Galing ang dalawang pilak mula kina Nesthy Petecio (women’s featherweight) at Carlo Paalam (men’s flyweight) habang nakatanso si Eumir Marcial sa men’s middleweight division.

Nasiguro naman ni Jose Villanueva ang u­nang medalya ng bansa sa bo­xing noong 1932 Summer Olympics na ginanap din sa Los Angeles, California kung saan nakatanso ito.

May pilak din si Anthony Villanueva sa Tokyo 1964 at Mansueto ‘Onyok’ Velasco noong 1996 Atlanta Games.

Nakahirit naman ng tanso sina Leopoldo Serantes sa Seoul, South Korea noong 1988 at Roel Velasco noong 1992 sa Barcelona, Spain.

Sa kasalukuyan, may tiket na si Marcial para sa 2024 Paris Olympics matapos ang kanyang silver-medal finish sa 19th Asian Games sa Hangzhou, China.

Show comments