MANILA, Philippines — Ang 4-0 kartada ang pinakamagandang panimula ng University of the Philippines matapos ilista ang parehong marka sa Season 60 noong 1997.
Sa kabila ng pagsosolo sa liderato ay hindi pa rin magkukumpiyansa ang Fighting Maroons sa mga susunod na laro sa Season 86 men’s basketball tournament.
“Importante rin sa amin not to take anyone lightly and to play confidently, but at the same time to give iyong respect that is due to them,” ani assistant coach Christian Luanzon na dating naglaro para sa University of Sto. Tomas.
Haharapin ng Fighting Maroons ang Growling Tigers ngayong alas-4 ng hapon matapos ang sultada ng nagdedepensang Ateneo Blue Eagles at Far Eastern University Tamaraws sa alas-2 ng hapon sa MOA Arena sa Pasay City.
Ibinabandera ng UP ang 4-0 record sa itaas ng La Salle (3-1), National University (3-1), Adamson (2-2), Ateneo (2-2), University of the East (2-2), FEU (0-4) at UST (0-4).
Umiskor ang Fighting Maroons ng 80-76 overtime win sa Tamaraws kung saan humakot si foreign student athlete Malick Diouf ng 20 rebounds at 11 points.
Nakatikim ang Growling Tigers ng 69-87 pagyukod sa Bulldogs.