Blue Eagles pinulutan ang Red Warriors
MANILA, Philippines — Bumangon ang Ateneo De Manila University mula sa naunang kabiguan para talunin ang University of the East, 76-69, sa UAAP Season 86 men’s basketball tournament kahapon sa MOA Arena sa Pasay City.
Humakot si Kai Ballungay ng 18 points, 11 rebounds at assists at nagposte si foreign student athlete Joseph Obasa ng 16 points, 8 boards at 6 blocks para sa 2-2 record ng Blue Eagles kagaya ng kartada ng Red Warriors.
Mula sa 68-64 abante ay nakalayo ang Ateneo sa 71-64 mula sa three-point shot ni Jared Brown sa 4:09 minuto ng fourth quarter.
Naputol ito ng UE sa 69-71 matapos ang basket ni Precious Momowei.
Muling nagsalpak si Brown ng triple para sa five-point lead ng Blue Eagles sa huling 1:58 minuto.
Kumolekta si Momowei ng 12 points at 10 rebounds para sa Red Warriors habang may tig-12 markers din sina Ethan Galang at Wello Lingolingo.
Sa unang laro, umiskor si Janjan Felicilda ng 17 points at may 14 markers si CJ Cansino sa 80-76 overtime win ng University of the Philippines sa Far Eastern University.
Nagposte si foreign student athlete Malick Diouf ng 19 rebounds at 11 points para sa 4-0 kartada ng Fighting Maroons.
Pumailalim ang Tams sa kanilang 0-4 marka.
Ang dalawang sunod na basket ni Diouf ang nagbigay sa UP ng 77-73 bentahe matapos magtabla sa 73-73 sa extra period habang ang triple ni Jorick Bautista ang naglapit muli sa FEU sa 76-77 sa huling 23 segundo.
Tumapos si Bautista na may 26 markers, 3 rebounds at 2 assists sa panig ng Tamaraws na nakahugot kay LJ Gonzales ng 19 points.
Pipilitin ng FEU na makabawi sa kanilang pagsagupa sa Ateneo sa Sabado.
- Latest